Ang pamamasyal kasama ang pamilya ay isa sa mga hindi malilimutang
karanasan.
Sa mga magulang, ito ang pagkakataong maka-bonding nila ang kanilang mga
anak, pagkatapos ng linggo ng pagtatrabaho. Kumbaga, ito ay isang mabisang
paraan para matanggal ang stress, gayundin para magkaroon ng update mula sa mga
anak.
Sa mga anak naman, ito ang tyansang makapunta sa
ibang lugar, makakilala ng ibang tao, at mapataas pa ang kumpyansa sa kanilang
mga sarili. Sa paglaki, napakahalaga kasing marunong ang inyong mga anak na
makipag-socialize at ma-expose sa ibang mga lugar (bukod sa inyong lugar na
kinalakhan).
Naririto ang ilang mga tips na kailangang isaalang-alang para siguradong
mag-enjoy ang buong pamilya at ituring ng inyong mga anak na hindi malilimutang
karanasan sa kanilang buong buhay ang inyong pamamasyal:
1. Bigyan sila ng freedom. Tandaan na, kaya
kayo namasyal para ma-expose sila sa ibang mga tao at ibang kapaligiran, kaya
kahit papaano, bigyan sila ng freedom. Gayunpaman, 'wag silang masyadong
pabayaan. Maging cautious pa rin sa mga ginagawa at sa mga kinakausap ng mga
anak para sa kanilang seguridad.
2. 'Pag
lumalabas habang nasa bakasyon, 'wag ipasama ang mga mamahaling gadget ng
inyong mga anak. Kapag nawili na kasi ang anak sa pakikipaglaro, halimbawa, sa mga
bagong kakilala, maaari nilang makalimutan na may dala-dala silang mga
mamahaling gadget. Maaaring mawala ang mga ito o ‘di kaya manakaw sa kanila.
3. ‘Wag
isabay ang pagbabakasyon sa petsa kung kalian papalapit na ang mga pagsusulit
ng mga anak. Maaaring hindi
makapag-concentrate sa pamamasyal at, siyempre, hindi makapag-enjoy nang husto
ang inyong mga anak, kung saka-sakali. O ‘di naman kaya, ang mas malala nito,
baka mababa ang makuha nila sa eksaminasyon.
4. ‘Wag
pagalitan ang inyong mga anak sa gitna ng maraming tao. Oo’t maaaring nagkasala ang inyong mga
anak. Subalit, ‘wag na ‘wag silang pahihiyain sa ibang tao. Maaari nila itong
matandaan at dibdibin na maaaring makapagdulot ng gap sa pagitan ninyo ng
inyong mga anak.
5. Ikonsidera
rin ang pagkain. Baka kasi maselan sa
pagkain o tubig ang inyong mga anak. Kaya, pwedeng magbaon ng mga homemade na
pagkain o ‘di naman kaya ay ibilhn sila ng pagkain, halimbawa ay delata, na
siguradong nakakain ng inyong mga anak.
Gawing kapaki-pakinabang ang pamamasyal kasama ang inyong mga anak,
kasama ang inyong pamilya. Sapagkat, sa ganitong pagkakataon lumalalim ang
respeto at pagmamahalan sa bawat isa sa pamilya. Gawing hindi malilimutang
karanasan ang inyong susunod na pamamasyal!
No comments:
Post a Comment